Arestado ang isang guwardiya matapos barilin ang kanyang nakaalitang caretaker sa Las Piñas City, nitong Biyernes, Abril 8.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director, Brigadier General Jimili Macaraeg, ang naarestong suspek na si Pablito Baculba, 56, isang security guard, at taga-Las Piñas City.

Nilalapatan ng lunas sa Las Piñas City District Hospital ang biktima na si Michael Joquino, 39, may asawa, isang caretaker, nakatira sa Barangay Talon Dos sa nasabing lungsod, sanhi ng tinamong tama ng bala sa tiyan.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril sa STI Building, Abel Nosce Street, BFRV, Brgy. Talon, Dos, Las Pinas City, dakong 3:00 ng madaling araw ng Biyernes.

National

Habagat, magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa -- PAGASA

Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng biktima sa hindi pa batid na dahilan.

Sa gitna ng pagtatalo biglang bumunot ng baril si Baculba at binaril ang biktima.

Agad naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek at narekober mula rito ang isang caliber .38 revolver, apat na bala at isang basyo.

Sasampahan ang suspek ng kasong Comprehensive of Firearm and Ammunitions Regulatory Act in relation to Omnibus Election Code at Frustrated Homicide.

“Isang buwan bago ang Eleksyon 2022, dinodoble namin ang aming mga hakbang sa seguridad upang maiwasan ang karahasan sa halalan at iba pang paglabag sa batas na maaaring mangyari upang matiyak, ang isang malaya, tapat, at mapayapang halalan,” sabi ni Macaraeg.