Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga driver at operator ng public utility vehicle (PUV) bunsod na rin sa ipinatutupad na election public spending ban.
Gayunman, nilinaw ni LTFRB executive director Maria Kristina Cassion, aabot na sa 110,200 benepisyaryo ang nakatanggap na ng subsidiya hanggang nitong Marso 29.
Sumasailalim pa aniya sa document validation ang aabot sa 22,000 na taxi at UV Express beneficiaries habang nakatakda namang magbigay ng subsidiya ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa mahigit 27,000 delivery services.
Hinihintay pa rin aniya nila ang listahan ng mga tricycle driver mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang maiproseso na ito.
Paglilinaw ng LTFRB, itinigil muna nila ang pamamahago nito sa mga PUV driver at operator dahil sa umiiral na public spending ban simula Marso 25 hanggang Mayo 8 ng taon.
Sa resolusyon ng Commission on Elections (Comelec), kailangan munang kumuha ng certificate of exemption ang mga ahensya ng gobyerno upang maipatupad ang mga social welfare project sa gitna ng nasabing pagbabawal.
"Before the ban, nagkaroon tayo ng application sa Comelec for exemption at nagkaron na po tayo ng hearing. Right now, we are just waiting for the result of our application for exemption sa ban so we can continue distribution," sabi ni Cassion.
Habang hinihintay ang desisyon ng Comelec, sinabi ni Cassion na itutuloy pa rin ng LTFRB ang pagpapagawa ng 86,000Pantawid Pasada Program (PPP) cards para sa iba pang benepisyaryo.
PNA