Patay nang maipit ng dalawang truck ang isang lalaki habang nagkakabit ng global positioning system (GPS) sa Port Area, Manila nitong Huwebes, Marso 31.

Dead on the spot ang biktimang si Jay Mark Kee, 32, ng 118 Unit 8 Gen Tinio St., Brgy 132, Bagong Barrio, Caloocan City dahil sa tinamong matinding pinsala sa kanyang ulo at katawan.

Iniimbestigahan naman na ng mga otoridad ang driver ng mga truck na sina Mateo Solano Jr., 34, ng Sucat, Muntinlupa City at Marvin Canuel, 25, ng Maragondon, Cavite.

Batay sa ulat ni PCpl Ron Henry Gemzon ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD)-Traffic Enforcement Unit (TEU), dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Delgado St., malapit sa kanto ng 24th St. sa Port Area.

Eleksyon

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara

Bago ang aksidente ay nakaparada umano sa lugar ang Fuso tractor Head na may trailer at plate number na KAH 4931 at minamaneho ni Solano, habang kinakabitan ng biktima ng GPS ang hulihang bahagi nito.

Maya-maya ay naisipan umano ni Canuel na sumakay sa kanyang Isuzu Tractor Head na may trailer at plate number na DCQ 6544 na nakaparada naman sa likurang bahagi ng trak ni Solano.

Dito na umano biglang umabante ang truck ni Canuel sanhi upang maipit si Kee sa pagitan ng dalawang sasakyan.

Naisugod pa sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktima ngunit idineklara na rin itong patay ng mga doktor.