Apat pang pagyanig ang naitala sa Taal Volcano sa nakaraang 24 oras.

Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tumagal ng hanggang limang minuto ang mahihinang pagyanig dakong 5:00 ng madaling araw ng Miyerkules.

Bukod dito, nagbuga rin ang bulkan ng 4,474 metriko tonelada ng sulfur dioxide.

Nagpakawala rin ito ng makapal na usok na hanggang 1,500 metro at ipinadpad sa timog kanluran at hilagang kanluran ng bulkan.

15 public schools sa Davao City, nagsuspinde ng face-to-face classes para sa kaarawan ni FPRRD

Nagbabala rin ang Phivolcs sa posibleng pagputok pa ng bulkan, mararanasang ashfall at pag-iipon ito ng nakalalasong volcanic gas.

Nauna nang ipinahayag ni Phivolcs chief Renato Solidum, Jr. na handa na nilang isailalim sa Alert Level 4 ang bulkan kapag lumala pa ang sitwasyon nito.

Matatandaang itinaas sa Alert Level 3 ang bulkan matapos tumindi ang pag-aalburoto nitong nakaraang Sabado.

Binanggit naman ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na halos 6,000 residente na ang lumikas dahil sa patuloy na volcanic activity nito.