Habang isinasagawa ang caravan sa Navotas City noong Linggo, Marso 20, nag-abot ng envelope na naglalaman ng pera ang isang babaeng mangingisda kay presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., tulong daw ito sa kampanya ng UniTeam.

Sa isang Facebook post ni Marcos Jr. ibinahagi ang naturang pangyayari. Sa unang bahagi ng video, hinahanap-hanap ni Marcos Jr. ang nagbigay ng envelope. Nawala kasi ito sa dami ng tao.

Nang makita ang babae agad itong lumapit kina BBM at Mayor Toby Tiangco. 

"Tulong po namin po yan sa inyo sir," umiiyak na sabi ng babae. Nagmamakaawa rin itong tanggapin ni BBM ang envelope na naglalaman ng pera-- ayaw niya kasi itong tanggapin dahil mas kailangan daw ito ng mangingisda.

National

Apollo Quiboloy, naghain ng COC sa pagkasenador: ‘Dahil sa Diyos at Pilipinas’

"Please lang po, please lang po. Pinaghirapan po natin [namin] sa isda yan sir," tuloy-tuloy na pagkakasabi ng babae na kinilala bilang si Nanay Clemencia. 

Pinipilit din ni Mayor Toby si Nanay Clemencia na bawiin ang envelope at yung sulat lamang ang kukunin ni BBM. 

"Okay lang sir, okay lang sir," pagpupumilit ni Nanay Clemencia.

"'Yung tulong niyo sapat na 'yun, 'yung boto niyo sapat na 'yun," ani Mayor Toby.

Gayunman, kinausap na rin ni BBM si Nanay Clemencia, aniya: "Okay na sakin yang tulong niyo sa kampanya. Kahit ibigay mo sa akin ito, hindi ko gagamitan yan,"

"Para po sa sambayanang Pilipinas po yan," ani Nanay Clemencia.

"Iyang iyak mo, iaabot mo ako," anang presidential aspirant.

Samantala, ibinalik ni BBM ang envelope kay Nanay Clemencia at kinamayan ito.

"Mahal na mahal po namin kayo," saad pa ni Nanay Clemencia.

Sa caption naman ng Facebook post, sinabi ni BBM na napaluha siya habang nasa caravan.

"Sa ‘di inaasahang pagkakataon napaluha ako habang nasa caravan. Maraming maraming salamat Nanay Clemencia sa ‘di matutumbasang suporta mo sa akin at sa buong Uniteam. Kayo ang inspirasyon namin upang ipagpatuloy ang nasimulang adhikain."