NEGROS OCCIDENTAL - Nailigtas ng mga awtoridad ang 55 katao nang tumaob ang sinasakyang dalawang bangka sa San Carlos at Sagay sa nasabing lalawigan nitong Linggo.

Sa unang insidente, hinampas ng malakas na hangin at malalaking alon ang isang bangkang de-motor na sakay ang 10 pasahero kaya ito tumaob malapit na sa baybaying-dagat ng lungsod.

Sa pahayag ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), kaagad na tumaob ang bangka.

Nasagip ng mga mangingisda at ng ilang tauhan ng Task Force Bantay Dagat ang mga pasahero, kabilang ang isang 68-anyos na babae na kaagad na isinugod sa ospital matapos mahirapang huminga.

Probinsya

74-anyos na lolang hinabol ang alagang pusa, patay matapos mabangga

Sa Sagay City, nasagip naman ang 45 na indibidwal nang tumaob din ang kanilang bangka nitong Linggo ng hapon.

Nagawa pang mag-post ng video sa Facebook ang isa sa pasahero upang makahingi ng tulong sa mga awtoridad.

Dahil sa insidente, sinuspinde ni San Carlos City Mayor Rene Gustilo ang biyahe ng mga bangka sa Sipaway Island.

Gayunman, matapos ang ilang oras ay iniutos din ng Philippine Coast Guard na ituloy ang biyahe matapos kumalma ang dagat.

Glazyl Masculino