Inatasan ng House Committee on Labor and Employment sa pamumuno ni Rep. Enrico Pineda, Party-list,1-PACMAN, nitong Huwebes ang iba't ibang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na agad resolbahin ang naka-pending na minimum wage increase petitions sa loob ng 10 araw.

Sa isang online hearing, sinabi ni Pineda na sila ay magpapadala ng liham kay Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III tungkol sa resolusyon ng komite hinggil sa isyu at sila ay magpupulong na muli matapos ang 30 araw.

“We will ask all the regional wage board directors to submit their report on their perceived minimum wage increase in every region. At this point in time, alam naman po natin ang sentimiento po ng lahat. Let’s give them the benefit of the doubt. Like I said, nasa batas po yan. Talagang kailangan natin silang bigyan ng 30 days, so gawin po natin, hintayin po natin. After 30 working days, I will convene the committee again at tingnan po natin kung lahat po sila makapag-submit o hindi. Then from there, we decide what we have to do with them,” ayon kay Pineda.

Ang komite ay patuloy na tumatalakay sa mga panukala na:1) institutionalize a national minimum wage for private sector workers (House Bills 246, 668, 6752, and 6668; 2) provide for the rationalization of wage levels on a national or industrial basis (HBs 541 and 2878); at 3) establish a standard determination of the regional wage levels through the National Wages and Productivity Commission (HB 276).

Internasyonal

‘Doraemon’ voice actor Nobuyo Oyama, pumanaw na

Sinabi ni Rep. Mark Go na ang huling minimum wage increase sa National Capital Region ay inaprubahan noon pang 2018 at ipinatupad noong 2019.

 Ang itinakdang arawang sahod sa NCR ay P537. Sinabi ni Committee Vice Chairperson Rep. Raymond Democrito Mendoza (Party-list, TUCP) na nagugutom ang mga tao at naghihirap dahil ang kanilang sahod ay hindi na tumaas sa nakalipas na tatlo hanggang apat na taon.

Samantala, lahat ng petisyon para sa pagtataas ng arawang sahod ay naglalayong gawin itong P750.

Ang mga petisyon ay inihain sa NCR, Regions 3, 4A, 6, 7 at 8.

Noong nakaraang linggo, kumilos si Bello para repasuhin ang minimum wage sa bansa bunsod ng walang prenong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa giyera sa Russia at Ukraine.