Magandang balita para sa mga kababaihan dahil pagkakalooban sila ng Department of Transportation -Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT3) ng libreng sakay sa National Women’s Day bukas, Marso 8, 2022.

Ayon sa DOTr-MRT-3, ito ay bilang pagsaludo at pagkilala sa mahalaga at hindi matatawarang kontribusyon ng mga kababaihan sa kanilang pamilya, trabaho at lipunan, at kagalingan, katalinuhan at kasipagan sa kanilang iba’t ibang larangan.

“May handog na libreng sakay para sa mga kababaihang pasahero nito ang pamunuan ng MRT-3 sa ika-8 ng Marso 2022, bilang pagkikiisa ng linya sa selebrasyon ng National Women's Day,” anunsiyo pa ng ahensiya.

Sa paabiso ng DOTr-MRT-3, nabatid na libre ang pamasahe ng mga babaeng pasaherong sasakay sa kanilang mga tren simula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, at magmula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Eleksyon

11 senatorial aspirants ng Makabayan, sabay-sabay naghain ng COC

Ayon kay MRT-3 OIC-General Manager Asec. Eymard D. Eje, ang libreng sakay para sa mga kababaihan ay pagkilala sa kanilang natatangi at hindi matatawarang kontribusyon sa ating lipunan.

“Kaisa po ng buong bansa ang pamunuan ng MRT-3 sa pagdiriwang at pagsaludo sa dedikasyon, galing, at puso ng bawat kababaihang Pilipino. Nawa sa simpleng paraan tulad ng aming libreng sakay ay makapaghatid tayo ng kasiyahan sa ating mga kababaihan sa kanilang espesyal na araw,” ani Asec. Eje.

Ang MRT-3 na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.