Naaksidente noong nakaraang Biyernes ang actress, model at political blogger na si Mocha Uson habang nangangampanya ito sa Bataan province para sa Mothers for Change o MOCHA Partylist.

Ibinahagi ni Uson sa kanyang Facebook page noong Pebrero 28 ang nangyari sa kanya. Aniya, naaksidente siya habang nakasakay sa motor at nagtamo ng fracture ang kanyang clavicle o collarbone.

Kitty Duterte kay Sen. Bong Go: 'Ikaw muna ang tatay ko'

"Buti nalang po ako ay naka-safety gears dahil kung hindi ay siguradong labnos ang tuhod ko at braso. Kung hindi ako naka-riding boots siguradong bali ang paa ko. Ngunit dahil sa lakas ng impact ng pagbagsak at pagsadsad ko at ng aking motor ay na-fracture ang aking clavicle o collar bone," saad ni Uson.

Ayon pa kay Mocha, kailangan itong operahan at dadaan siya sa ilang mga test para malaman kung ano pa ang iba pang damage sa kanyang katawan. Hirap din umano siyang maglakad dahil namamaga ang kanyang tuhod.

Makikita rin sa mga ibinahagi niyang larawan ang x-ray ng kanyang collarbone at maging ang kanyang binti na may mistulang malaking pasa.

Gayunman, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pakikipaglaban para sa mga ina at kababaihan. Nagpasalamat din siya sa mga tumulong sa kanya.

"Hiling ko ang inyong panalangin sa aking darating na operasyon. Hindi ko alam kung papaano tayo mangangampanya nito basta ang aking alam ay isa lamang itong pagsubok. Tuloy tuloy ang ating pakikipaglaban para sa ating mga ina at kababaihan. Salamat sa mga tutullong mangampanya para sa ating MOCHA PARTY LIST," anang kontrobersyal na blogger.

Samantala, sa kanyang latest post nitong Marso 2. Sinabi niyang nakaconfine na siya sa isang ospital upang isagawa ang MRI ng kanyang kanang tuhod.

"Maraming, maraming salamat po sa inyong mga mensahe at panalangin. Nakakataba po ng puso. Naka-confine na po ako ngayon sa hospital. Gagawin po ang MRI scan sa aking kanang tuhod. I pray na wala pong malalang injury na makita," ani Uson.

Ngayong Huwebes, Marso 3, nakatakda ang kanyang operasyon para sa kanyang kanang clavicle