CAMP OLA, Albay - Inaresto ng mga pulis ang isang 63-anyos na lalaki matapos umano nitong gahasain ng 1,487 na beses ang kanyang apo sa Catanduanes ilang taon na ang nakararaan.

Gayunman, hindi na muna isinapubliko ni Police Regional Office 5 (PRO-5) spokesperson Maj. Malu Calubaquib, ang pagkakakilanlan ng akusado na taga-Virac, Catanduanes.

Inaresto aniya ng mga tauhan ng Catanduanes 2nd Provincial Mobile Force Company, Catanduanes Criminal Investigation and Detection Group at Provincial Intelligence Unit ang akusado sa pinagtataguan nito sa Caramoan batay na rin sa warrant of arrest na inilabas ni JudgeGenie Gapas-Agbada ng Regional Trial Court, Branch 42, ng Virac, Catanduanes para sa 900 counts of statutory rape, 382 counts of rape at isa pang 150 counts of statutory rape.

Sinabi ni Calubaquib na naging most wanted person ang akusado dahil na rin sa panggagahasa umano sa kanyang apo mula nang ito ay nasa walo hanggang 13 taong gulang.

Probinsya

Pagpapapako ni Ruben Enaje sa krus, matutuldukan na ngayong taon?

Binanggit ng opisyal na ginahasa rin umano ng akusado ang pinsan ng biktima mula noong siyam hanggang 12 taong gulang ito.

Nakapiit na sa Caramoan Municipal Police Station ang akusado at walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan nito.

Ang mga biktima ay dinala na ng pulisya sa ligtas na lugar upang mabigyan ng proteksyon at upang makapamuhay ng normal.

Niño N. Luces