Tiniyak ni Aksyon Demokratiko presidential aspirant at Manila Mayor Moreno na handa siyang magkaloob ng tulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na napilitang umuwi ng Pilipinas dahil sa lumalalang military conflict sa pagitan ng Ukraine at Russia.

“Why not? Lalo naman kung taga-Maynila sila. Eh meron namang kakayanan ng kaunti ang Maynila at kung hindi man sila taga-Maynila, baka makatulong kami on a personal level.Ang importante lang naman dyan eh yung mabuhay sila. Yung buhay, buo, kasama nila ulit yung pamilya nila. Sama-sama silang magsikap ulit tapos may gobyerno silang masasandalan. Yon sa tingin ko maitatawid na natin ang taumbayan,” pahayag ni Moreno sa mga mamamahayag noong Biyernes, sa isang campaign sortie sa General Trias City sa Cavite.

Base sa pinakahuling tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), nabatid na mayroong 300 Pinoy ang nasa Ukraine, at karamihan ay nagtatrabaho bilang domestic helpers sa capital city na Kyiv.

Sinabi naman ng DFA na may ilang manggagawang Pinoy ang piniling manatili sa Ukraine, sa kabila ng kaguluhan, upang patuloy na makapagtrabaho at masuportahan ang pangangailangan ng kanilang pamilya sa Pilipinas.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Tiniyak naman ni Moreno na handa siyang tumulong sa mga naturang OFWs na mawawalan ng trabaho.

“Pwede nila kaming lapitan at maaasahan nila kami na baka makatulong kami sa kanila,” aniya pa.

Sinabi pa niya na sakaling mahalal siyang susunod na pangulo ng bansa, ang una niyang gagawin sakaling magkaroon ng conflict o sigalot sa pagitan ng mga bansa ay iligtas ang mga Pinoy doon.

“Unang-unang policy is iligtas ko yung mga Pilipino doon. Mamamayan muna before anything else. Masigurado ko na yung mahal nila sa buhay dito sa Pilipinas, na yung kanilang mga kaanak sa Ukraine ay makuha ng ligtas, buo, malusog sa lalong madaling panahon. Yun ang gagawin ko, to save as many Filipinos as possible and that is my job as president. Yun ang unang-una, first of everything. Buhay muna ng mga Filipino na OFW sa abroad ang mahalaga sa akin,” aniya pa.

“I hope wala pang nasasawing mga kababayan natin, and that is the job of the president. One of the key responsibilities is to protect every Filipinos in the country and in the world and I think sana by this time,naniniwala naman na baka may ginagawa na sila at ayoko silang husgahan. But you’re asking me, if I get elected, that’s the first thing in the morning, pagmulat ng mata ko, kung ako’y presidente, yun ang unang gagawin at iisipin ko. Paano sila maligtas at madala muli sa ating bansa o sa ligtas na lugar upang makapiling nilang muli yung kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag pa ng presidential aspirant.

Nang matanong kung makikiisa ba siya sa panawagan sa mga OFWs na ayaw umalis ng Ukraine na umuwi na ng Pilipinas, sinabi ni Moreno na, “Well, kung sa tingin nila eh ligtas sila, hindi natin sila masisisi na patuloy na makipagsapalaran sa ibang bansa as long as ligtas sila. Sana mapahalagahan nila yung buhay. Pero in the same manner, kailangan unawain din natin yung mga OFW na kaya sila nandun at lumayo, at masakit man sa damdamin nila na malayo sa mga mahal nila sa buhay dito sa bansa eh kailangan nilang maghanap-buhay.”

“If they feel they are safe and always connect at makipag-ugnayan sa ating mga embahada, konsulado, then they can stay. But if they're going to get my opinion over the situation mas papahalagahan ko ang buhay nila dahil baka mabigyan naman natin sila ng opportunity naman dito sa ating bansa,” aniya pa.