Iniutos na ng Philippine National Police (PNP) na huwag na munang gamitin ang lima pang H-125 Airbus helicopters nito kasunod ng nangyaring pagbagsak ng isa nilang chopper sa Real, Quezon nitong Lunes ng umaga, na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat ng dalawa pang opisyal.

Paliwanag niPNP Public Information Office chief, Brig. Gen. Rhoderick Augustus Alba, pinahinto na muna ang paggamit ng lima pang Airbus helicopters ng PNP habang iniimbestigahan pa ang insidente na ikinasawi ni Patrolman Allen Noel Ona at ikinasugat ninaPolice Lt. Colonels Dexter Vitug at Michael Melloria.

Aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Department of Transportation (DOTr) at sa iba pang ahensya upang mapadali ang pagsasagawa ng pagsisiyasat.

Paglilinaw nito, hangga't wala pang resulta ng imbestigasyon, hindi pa ipinagagamit ang mga nasabing helicopter.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Nauna rito, dinalaw ni PNP chief, Dionardo Carlos ang dalawang opisyal na nasugatan sa insidente at sinabi ng isa sa mga ito na tinangka umano nilang magni-obra upang mag-landing, gayunman, sinalubong umano sila ng malakas na ihip ng hangin na nagresulta ng pagbagsak ng sinasakyang helicopter.

Patungo sana ang mga ito sa Balesin Aiport sa Quezon mula sa Villamor Airbase sa Pasay City upang sunduin sana si Carlos para makadalo ito sa flag-raising ceremony ng PNP nang maganap ang insidente.