Isinapubliko ng isang independent monitoring group na ‘very low risk’ sa COVID-19 ang Lucena City sa Quezon.

Ito ay batay sa datos ng OCTA Research Group na ibinahagi ni Dr. Guido Davis sa kanyang Twitter account nitong Linggo.

Hanggang nitong Sabado aniya ay nakapagtala ang Lucena City ng “very low” average daily attack rate (ADAR) na 0.79 at positivity rate na nasa 3% na lamang.

Ang ADAR ay tumutukoy sa daily average number ng mga bagong kaso ng sakit kada 100,000 katao habang ang positivity rate naman ay ang porsyento ng mga taong nagpopositibo sa sakit mula sa kabuuang bilang ng mga taong sinuri laban sa virus.

Probinsya

Magkakaibang parte ng katawan ng tao, natagpuan sa Marilaque Highway

Nakapagtala rin ang Lucena City ng very low risk na reproduction rate sa 0.13 at healthcare utilization rate (HCUR) na 15% na lamang.

Ang reproduction rate ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente.Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng hawahan ng virus.

Ang HCUR naman ay yaong occupancy ng isolation, ward, at intensive care unit beds, maging ang paggamit ng mechanical ventilators.

Iniulat din ng OCTA na ang National Capital Region (NCR) ay nananatiling “low risk” sa COVID-19 sa ADAR na 3.19, na pagbaba mula sa dating 3.36 noong Biyernes.

Ang positivity rate naman sa NCR ay nananatili sa 6% na nasa moderate risk habang ang HCUR na nasa very low pa rin ay bahagya pang bumaba ng mula 26% ay naging 25%.

Ang reproduction rate naman ng rehiyon ay nananatiling very low sa 0.20.

Bukod sa NCR, ang iba pang lungsod na nasa ilalim na rin ng low risk classification sa COVID-19 ay ang Angeles, Bacolod, Dagupan, Lapu Lapu, Olongapo, at Tacloban.