Isang babae ang pinagbabaril at napatay ng kanyang live-in partner matapos na paghinalaan nitong mayroon umanong karelasyon na ibang lalaki sa Malate, Manila.

Patay na nang dumating sa Ospital ng Maynila ang biktimang kinilalang si Charmaine Joy Gemino, 28, residente ng 617 Lawin St., G-2 Village, Brgy. Pinagsama, Taguig City, dahil sa mga tama ng bala sa iba't-ibang bahagi ng katawan.

Samantala, naaresto naman ng mga tauhan ng Adriatico Police Community Precinct ang suspek na kinilalang si Ronald Dictolero Campos, 42, na residente rin ng naturang lugar.

Batay sa ulat ni PEMS Carlos Garcia at PSMS Jason Ibasco ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong alas-6:10 ng umaga ng Biyernes, Pebrero 18, 2022, nang maganap ang krimen sa Adriatico St., kanto ng Quirino Avenue, sa Malate.

National

Mayor Baste, 'di totoong aarestuhin ng 40 pulis sa Davao

Bago ang pagpatay ay papasok sana umano ng hotel sa Malate ang mag-live-in partner nang magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga ito, kaya’t hindi na sila pinapasok pa ng security guard.

Lumipat umano ng ibang hotel ang dalawa ngunit hindi rin sila pinapasok doon dahil sa patuloy na pag-aaway ng mga ito.

Sinasabing naghihinala umano ang suspek na may ibang lalaki ang biktima matapos na may mabasang mensahe sa cellphone ng biktima hinggil sa pakikipagtagpo sa ibang lalaki kaya’t nagkaroon sila ng argumento.

Sa kasagsagan umano ng kanilang pagtatalo ay sinabi ng biktima sa suspek na ‘totoo’ ang hinala nito at ‘nakakailang karelasyon’ na siya.

Sa puntong ito, tila naburyong umano ang suspek, kaya’t bumunot ito ng baril, niyakap ang babae at ilang ulit na pinaputukan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nang makitang duguan nang bumagsak ang biktima ay tumawag ng taxi ang suspek upang tumakas sana, ngunit naaresto rin ng mga rumespondeng pulis.

Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang .9mm shooter pistol na may natirang isang bala sa magazine.

Isinugod naman ng saksing si Manilyn Revelo, Emergency Medical Technician (EMT) ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang biktima sa pagamutan ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.

Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong pagpatay sa piskalya.

Mary Ann Santiago