Kung wala kang ka-date ngayong Araw ng mga Puso, huwag kang mag-alala at hindi ka nag-iisa dahil aabot sa 18 porsyento ng Pinoy ay walang love life o buhay pag-ibig.
Ito ang lumabas sa isang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong Disyembre 2021.
Sinabi ng 54 porsyento ng Pinoy na "very happy" sila sa kanilang buhay pag-ibig habang 28 porsyento naman ang nagpahayag na "maaari silang maging masaya."
Tinukoy ng SWS na tinanong nila sa nasabing survey ang kabuuang 1,440 na Pinoy na pawang nasa hustong gulang.
Ito ay salungat sa survey noong Disyembre ng nakaraang taon kung saan aabot sa 54 porsyento ang nagsabing "very happy" sila sa kanilang love life habang ang mga nagsasabing maaaring maging masaya ang kanilang buhay pag-ibig ay bumaba ng apat na puntos mula sa dating 32 porsyento.
Mula sa dating 14 porsyento ay tumaas naman ng apat na puntos ang mga nagsasabing wala silang love life.
“Since 2002, around half of adult Filipinos were recorded to have a ‘very happy’ love life, ranging from the record-low 46 percent in 2004 to the record-high 59 percent in 2011,” sabi ng SWS.
Natuklasan sa survey na mataas ang porsyento ng mga nagsasabing maligaya sila sa buhay pag-ibig, lalo na sa mga lalaking may-asawa.
“In general, married men and married women have a happier love life than their single and with live-in partner counterparts,” pagbibigay-diin pa ng SWS.
Jel Santos