Ipinakita ng mga Dabarkads ng "Eat Bulaga" ang kanilang labis na suporta sa tandem nina presidential aspirant Ping Lacson at running mate nito na si Tito Sotto sa Cavite City kamakailan.
Kasama sa campaign rally ay ang mga artistang sina Ciara Sotto, Wally Bayola, Jose Manalo, Iwa Moto. Pero si Bossing Vic Sotto ang bumihag sa puso ng mga manonood dahil sa kanyang alindog.
"Hi fans!" sabi ni Vic nang lumabas sa entablado.
“Pasintabi lang, ako po ay hindi magtatalumpati ngayong gabi. Dahil baka sa ganda ng aking talumpati, ako ang maiboto niyong presidente. Siyempre, ang iboboto natin ay walang iba kundi ang aking hinahangaang senador, Senador Ping Lacson. Ako ay hanga sa katapatan nitong taong ito, katapatan sa pagbibigay ng serbisyo publiko. Nakita natin ‘yan sa record niya,"
“At pagdating sa katapangan, hindi mo matatawaran, eh, Caviteno. Katapangan para labanan ang mga tiwali sa gobyerno. Para labanan ang kurapsyon sa gobyerno,” saad ni Vic.
Dagdag pa ni Bossing:“At siyempre pa, sa pagka-bise president, ako ang iboto niyo. Hahahaha!”
“Hindi, nadulas lang. Magkamukha naman tayo. Hahahaha!
“Eh siyempre, ang aking mahal na kuya, na lamang lang ng isang paligo sa akin, pagdating sa kapogian. Senate President, Tito Sotto.
“Ang aking kapatid, at mga senador na nasa harap niyo, sila po ang makakatulong kay Ping, para ayunsin ang buhay nating lahat,”ani bossing.
Saad naman ni Ping:“Mga Dabarkads, hindi lang isa kundi dalawang Sotto ang kasama natin ngayong gabi! Nakakataba ng puso ang suporta at mainit na pagtanggap sa #LacsonSotto tandem. Isa ito sa highlight ng aking public service career. Maraming salamat sa inyong lahat! #LacsonSottoTayo, #LacsonSotto2022.”
“Marami ang na-surprise sa pagbisita ni Vic Sotto kagabi para personal na magpakita ng suporta sa aming kampanya. Lahat ay na-inspire sa sinabi niya. Aasahan namin ang katulad na suporta at mainit na pagtanggap mula sa lahat ng Dabarkads mula Batanes hanggang Jolo!” dagdag pa niya.
Robert Requintana