Inihayag ni Lead House Prosecutor Gerville Luistro na perpektong 10 over 10 daw ang grado niya para sa House prosecution panel sa nagdaang unang tatlong araw ng Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaang unang opisyal na nagsimula ang impeachment trial noong Lunes, Hulyo 6, hanggang Miyerkules, Hulyo 8, 2026, kung saan tinalakay nila ang Article IV ng Articles of Impeachment na sumesentro sa naging pagbabanta umano ni VP Sara sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez noong Nobyembre 23, 2024, at mga sumunod pa.
Sa naging pahayag naman ni Luistro sa panayam sa kaniya ng media noong Huwebes, Hulyo 9, 2026, direkta niyang sinabing 10 over 10 daw ang ipinakita ng panig nila sa prosecution.
“Ako, ten over ten. Tinanong na ako kahapon, e. You know why? Because this is more than an ordinary Court proceeding. Everybody is watching you. It concerns the interest of the Filipino people. This is of paramount importance because this is the mandate of the Constitution,” pagsisimula niya.
Ani Luistro, ang pangalawang pinakamataas na opisyal daw ng bansa ang pinag-uusapan sa impeachment trial na siyang nag-anunsyo na ng kaniyang intensyong pagtakbo bilang Pangulo sa darating na halalan sa 2028.
Diin ni Luistro, mataas daw ang nararamdaman nilang “pressure” sa impeachment trial dahil napakahalaga raw nito para sa lahat ng mga Pilipino.
“Napakataas ng pressure dito sa impeachment trial na ito. Pressure in the sense na napakahalaga nito. Hindi lang sa parties, kung hindi maging sa mga Pilipino,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy ni Luistro, 10 over 10 daw ang maituturing niyang grado ng prosecution dahil nakamit daw nila ang kanilang layunin sa nagdaang unang tatlong araw ng impeachment trial.
“We are grading ourselves as ten over ten because despite of the fact na first few days of trial ‘yon, ‘yong kahalagahan nito, ‘yong complication, plus the political interest involved, the number of evidence that we need to present, amid all that we were able to achieve our goal for the first three days,” pagtatapos niya.
Nakatakdang muling simulan ang impeachment trial laban kay VP Sara sa darating na Lunes, Hulyo 13, hanggang sa araw ng Miyerkules, Hulyo 15, 2026, na magsisimula tuwing 2:00 ng hapon.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I would say that it's a good week for the prosecution!'—House Prosecutor Zamora