July 23, 2026

Home BALITA Metro

Irish national sa QC, huli matapos magwala at manira ng MMDA tow truck

Irish national sa QC, huli matapos magwala at manira ng MMDA tow truck
Photo courtesy: MMDA (FB)

Inaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang Irish national na residente ng Quezon City matapos itong magwala at manira ng tow truck na pagmamay-ari ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Batay sa pahayag ng MMDA noong Huwebes, Hulyo 9, namataan nilang walang drayber o “unattended” ang sports utility vehicle (SUV) na kalauna’y napag-alamang pagmamay-ari ng dayuhan, na nakaparada sa gilid ng kalsada sa kahabaan ng Regalado Avenue.

Dahil sa paglabag na ito sa batas trapiko, agad na pinatawan ng citation ticket ang SUV para sa illegal parking. 

Ipinag-utos ng MMDA na ipa-tow ang sasakyan patungo sa kanilang impounding site sa Marikina City. 

Saad pa ng MMDA, nang maikabit at ma-secure na nila ang SUV gamit ang clamp ng tow truck, biglang dumating ang dayuhan at dala ng galit, sumakay ito sa kaniyang SUV. 

Metro

Ilog sa Antipolo, ‘bumula’ matapos tapunan ng pinaglabahang tubig!

Dito ay binanggit na paulit-ulit niya itong ipinaandar nang pasulong at paatras upang subukang makawala sa clamp ng tow truck. 

Nang mabigo siyang maialis sa clamp ang kaniyang SUV, naiulat na bumaba ang dayuhan, kumuha ng martilyo at pinagpapalo umano nang ilang beses ang tow truck, na nagdulot ng pinsala rito. 

Dahil dito, nahaharap ang dayuhan sa kasong “Malicious Mischief Resulting to Damage to Property.” 

Ipinag-uutos din ni MMDA Chairman Atty. Don Artes sa MMDA Legal and Legislative Service ang paghahain ng hiwalay na kasong kriminal sa Bureau of Immigration (BI) para naman sa deportasyon ng dayuhan.