BACOLOD CITY -  Pumalag ang mga kaanak ng isang 58-anyos na babae na iginapos at sinaktan ng mga residente matapos umanong mapagkamalang isang "aswang" sa Hinigaran, Negros Occidental kamakailan.

"Justice ang aming hinihiling sa hindi makataong ginawa sa aming kamag-anak,” bungad ni Darryl Romano sa kanyang Facebook post.

Sa naturang social media post, ibinahagi ni Romano ang isang video kung saan makikita ang isang babae na nakagapos habang pinagtatawanan ng mga residente.

Nag-ugat ang insidente nang makita umano ang biktima sa bubong ng mga bahay sa Barangay Gargato dakong 1:00 ng madaling araw ng Pebrero 3.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

Palaisipan naman kay Hinigaran Municipall Police, Capt. Ryan Villasario kung paano nakapunta sa bubong ang biktima.

Paliwanag ni Villasario, nalaman lamang nila ang insidente sa isang Facebook post.

Pahayag nito, ibinaba nila ang biktima mula sa bubong matapos makarinig ang mga residente ng mga lagitik ng yero.

Matapos aniyang mapagkamalang "aswang" o isang "magnanakaw" ay agad itinali ang babae.

Naiulat na nakatira ang biktima sa Brgy. Aranda, mahigit 10 kilometro ang layo mula sa Brgy. Gargato kung saan ito nahuli.

Aniya, iniimbestigahan pa nila ang alegasyon laban sa biktima matapos mabatid sa pamilya nito na nakararanas ito ng depression mula nang bawian ng buhay ang asawa nito.

Idinagdag pa ni Villasario, hinihintay na lamang nila ang desisyon ng pamilya ng biktima kung maghahain sila ng kaso laban sa mga residente.

Batay sa kuwentong-bayan, ang "aswang" ay tawag sa pabagu-bagong hitsura ng mga nilalang na lumalabas sa alanganing oras ng. gabi. Madalas silang nagiging aso, pusa at baboy.

Glazyl Masculino