Binalaan ng Valenzuela City government ang publiko kaugnay ng pagkalat ng mga pekeng Biogesic Paracetamol 500 mg tablets sa merkado sa gitna pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ang naging babala ng pamahalaang lungsod matapos ipasara ang isang tindahan sa Dulong Tangke, Barangay Malinta na umano'y nagbebenta ng nasabing pekeng gamot na panlunas ng trangkaso at sakit ng ulo.
Idinahilan ngBusiness Permit and Licensing Office (BPLO) ng lungsod, isinagawa nila ang operasyon batay na rin sa reklamo ng isang concerned citizen na nakabisto sa iligal na gawain ng nabanggit na tindahan kung saan ito nakabili ng pekeng gamot.
Ikinatwiran naman ng may-ari ng tindahan, nabili lamang nito ang mga gamot sa naglalako at ibinebenta rin niya sa kabila ng bantang panganib sa mga consumers.
Pinag-aaralan pa ng pamahalaang lungsod ang kasong maaaring isampa laban sa may-ari ng tindahan.
Matatandaang kumalat sa social media ang impormasyong nagkakaubusan na ng mga panlunas sa ubo, sipon at lagnat, dahil na rin sa dami ng mga mamimili at sa pangambang mauubusan sila nito sa gitna ng banta ng COVID-19.
Orly Barcala