Mula sa ‘very low risk’, nasa ‘low risk’ na ngayon ang COVID-19 classification ng National Capital Region (NCR), batay sa ulat ng independiyenteng OCTA Research Group.

Ayon kay OCTA Fellow Dr. Guido David, ito’y matapos na tumaas ang 7-day average ng rehiyon ng mahigit sa 100 sa kauna-unahang pagkakataon simula nitong unang bahagi ng Disyembre.

Sa pinakahuling update ng OCTA, na ibinahagi ni David sa kanyang Twitter account, nabatid na ang 7-day average ng mga bagong kaso ng sakit sa NCR ay tumaas sa 116 mula Disyembre 20 hanggang 26.

Sinabi ni David na ang huling pagkakataon na tumaas ng higit 100 ang 7-day average ay noong Disyembre 3 hanggang 9 pa.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Samantala, ang reproduction number naman sa rehiyon, o yaong bilang ng mga indibidwal na maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente, ay tumaas rin sa 0.85 hanggang nitong Disyembre 23.

Ang incidence rate naman o average daily attack rate (ADAR) ay tumaas ng 0.82 per day per 100,000.

“The seven-day positivity rate also increased above 1% and is now at 1.41% (from December 19 to 25),” ulat pa ng OCTA.

Ang mga hospital beds at intensive care unit beds naman para sa COVID-19 ay nananatili pa ring nasa very low occupancy.

"Because of the increase in reproduction number, the NCR is now classified as low risk (from very low risk), using our metrics based oncovidactnow.org(not the same metrics used by DOH and IATF),” ani David.

Nanawagan rin naman ang grupo sa publiko na patuloy na maging vigilante at mag-praktis ng minimum public health standards lalo na ngayong malapit na rin ang pagdiriwang ng bagong taon.

"We must continue to be vigilant and practice minimum public health standards as we head into the new year. Stay safe everyone,” paalala pa ni David.

Mary Ann Santiago