Bunsod ng pananalasa ng bagyong Odette na nagdulot ng malawak at malaking pinsala sa maraming panig ng Visayas at Mindanao, nanawagan ang mga kongresista na muling repasuhin ang National Building Code (NBC) upang lalong mapalakas ang mga structure ng mga bahay at gusali.
Sa pagdinig ng House committee on transportation, binanggit ng mga kasapi ng komite sa pamumuno ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, na kailangang repasuhin ng Kongreso ang NBC para makagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang pagbagsak at pagkasira ng mga bahay, gusali at iba pang structures.
Hinimok ni Sarmiento ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na kung maaari ay baguhin ang building standards at iminungkahi na ang inisyal na kahingian (requirements) para sa mga gusali ay dapat na makaya ang hangin na may 250 kph.
Aniya, may mga super typhoon, kabilang ang Yolanda, na ang lakas ng hangin ay lampas pa sa 300 kph. "Major infrastructure buildings such as airports, seaports must adopt roofing designs such as hip or hornet roofing. We should have now roofings designs that are wind resilient and electricity should be underground."
Ayon sa mambabatas, dapat ding igiit at obligahin ng Department of Energy (DOE) ang lahat ng gas stations na mag-instala at magkaroon ng generating sets.
Inirekomenda ng mga miyembro ng komite na magpairal ng policy revisions ang mga ahensya ng pambansang gobyerno upang masiguro ang maayos at episyenteng pagtugon sa mga tao na nangangailangan ng tulong sa panahon ng mga kalamidad.
Bert de Guzman