Nasa kustodiya ng Taguig City Police ang tatlong Commissioned Officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sangkot sa umano'y pamamaril na ikinasugat ng anim na katao kabilang ang tatlong kabataan sa Taguig City nitong araw ng Pasko, Disyembre 25.
Kinilala ni National Capital Region Police Office chief Major General Vicente Danao Jr. ang mga suspek na sina Capt. Neiljay Maguddayao Garcia, 31, nakatalaga sa Command and Control Training and Doctrine Command, Capaz, Tarlac; Prov 2 Lt Felomino Maguddayao Garcia, 30, nakadestino sa Attached and Assigned Headquarters and Headquarters Support Group, Fort Bonifacio, Taguig City; at 1 Lt Minalyn Awat Ladyong, 29, nakatalaga naman sa Army Signal Regiment, Fort Bonifacio, Taguig City.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Edsel Hecita Polo, 28; JD Umbaro Navales, 24; John Carl Marca Sabino, 18, at tatlong lalaking menor de edad (17,16 at 14) na pawang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati at Taguig Pateros District Hospital sanhi ng tama ng bala sa iba't ibang parte ng katawan.
Dakong 3:00 ng madaling araw ng Sabado naganap ang pamamaril sa P. 163, C-5 Service Road, Wildcat Village, Barangay Pinagsama, Taguig City.
Sa inisyal na pagsisiyasat, naghagis umano ng bato ang anim na biktima sa tatlong sundalo na nag-iinuman habang nagdiriwang ng Pasko sa bahay ng magkapatid na Garcia.
Nagalit umano ang mga suspek kaya pinaulanan ng bala ang mga biktima gamit ang M16 rifle na ikinasugat ng anim na biktima.
"Muli, tayo ay nakikiusap sa publiko ganun din sa iba pa nating kasama na nasa uniformed service at mga iba pang civilian holders ng baril. Maging kalmado tayo at huwag ilagay sa init ang ulo ang epekto ng alak upang makapanakit tayo," ani Danao.
"Maraming pamamaraan na hindi gagamitan ng baril o diretsong pagpapaputok ang agarang sagot sa isang pangyayari maliban kung ito ay may banta sa ating buhay. There are a lot of peaceful means to prevent and repel the aggression without resorting to firing your guns. Hindi dahil may baril ka ay passport ninyo na po yan to indiscriminately fire your firearms and/or to illegally discharge your firearms," dagdag pa niya.
Samantala, sinabi pa ni Danao na ang nangyaring insidente ay masusing iniimbestigahan ngayon ng mga imbestigador ng Taguig City Police upang lumabas ang katotohanan at makakalap pa ng mga impormasyon sa naturang kaso.
Tiniyak pa ng NCRPO sa publiko lalo na sa panig ng mga biktima na ang kaso ay hahawakan ng awtoridad nang walang takot o walang pinapaboran.
"Coordination was immediately done with the HQs, Philippine Army relative to the incident. Likewise, administrative cases will automatically be filed against their personnel involved in the criminal cases," ani Danao.
Bella Gamotea