Arestado ang isang miyembro ng Sputnik Gang dahil sa pagbabanta at pagpapaputok ng baril sa Pasay City nitong Disyembre 11.
Nahaharap sa mga kasong Grave Threat, Indiscriminate Firing ay Illegal Possession of Firearm ang suspek na si Zaldy Mañalac y Bacsal, 34, residente sa naturang lungsod.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District chief, Brig. General Jimili Macaraeg, naganap ang insidente sa Tramo St., corner Inocencio St., Brgy. 104, Pasay City. Unang nakatanggap ng tawag sa telepono ang Central Park Sub Station mula kay Brgy. Chairman Christopher Angeles kaugnay ng umano'y insidente ng pagpapaputok ng baril kaya agad rumesponde ang mga pulis.
Narekober sa pinangyarihan ang isang basyo ng bala ng hindi batid na kalibre ng baril at nakumpiska ang isang 911 caliber 45 na ginamit ng suspek.
Ayon sa reklamo ng biktima at testigo, sumulpot ang armadong suspek sa harapan ng kanyang bahay at itinutok ang kalibre .45 na baril sa complainant bago pinagbantaang papatayin.
Dito umano nagpaputok ng baril at muling pinagbantaan ang biktima at mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksiyon.
Agad humingi ng tulong ang biktima sa awtoridad hanggang sa mamataan ang suspek sa No. 135 lower Gulod Brgy. Sauyo Novaliches, Quezon City na nagresulta ng kanyang pagkakaaresto at nasamsam ang baril at mga bala.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Pasay City Police headquarters.
Bella Gamotea