Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 356 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Sabado, Disyembre 11.

Ayon sa DOH, mas mababa ito kumpara sa 379 bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa Pilipinas nitong Biyernes, Disyembre 10.

Batay sa DOH case bulletin #637, umaabot na ngayon sa 2,836,360 ang total COVID-19 cases sa bansa.

Sa naturang kabuuang bilang, 0.4% na lamang o 11,373 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

Sa mga active cases naman, 4,328 ang mild cases, 3,747 ang moderate cases, 1,991 ang severe cases, 902 ang asymptomatic at 405 ang kritikal.

Mayroon din namang 878 mga pasyente pa ang gumaling na rin mula sa sakit, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,774,891 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.8% ng total cases.

Nakapagtala pa rin naman ang DOH ng 135 pang pasyente na namatay sa sakit.

Sa kabuuan, nasa 50,096 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.77% ng total cases.

Kaugnay nito, nilinaw naman ng DOH na umabot sa 135 ang naiulat na COVID-19 deaths nitong Sabado dahil sa late encoding sa COVIDKaya system.

Ayon sa DOH, sa 135 deaths na naiulat, apat lamang o 3% ang naganap nitong Disyembre, 2021.

Nasa 29 o 21% naman ang nasawi noong Nobyembre 2021, 36 o 27% noong Oktubre 2021, 46 o 34% noong Setyembre 2021, 14 o 10% noong Agosto 2021, lima o 4% noong Hulyo 2021, at isa o 1% noong Pebrero 2021.

Pagtiyak naman ng DOH, “This issue is currently being coordinated with the Epidemiology and Surveillance Units to ensure information is up to date.”

Mary Ann Santiago