Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 564 bagong kaso ng COVID-19 nitong Huwebes, Disyembre 2.
Ayon sa DOH, mas mataas ito ng 64 kaso kumpara sa 500 COVID-19 cases lamang na naitala noong Miyerkules ng hapon.
Batay sa case bulletin #628 ng DOH, dahil sa mga naturang bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 2,833,473 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang kabuuang bilang, 0.5% na lamang o 15,188 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Sa mga active cases naman, 7,126 ang mild cases, 3,817 ang moderate cases, 2,463 ang severe cases, 1,067 ang kritikal at 715 ang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng sakit.
Mayroon din namang 694 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,769,533 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.7% ng total cases.
Nakapagtala pa rin naman ang DOH ng 40 pasyente na namatay sa sakit.
Sa kabuuan, nasa 48,752 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.72% ng total cases.Mary Ann Santiago