BACOOR, Cavite -- Hinangaan ng mga netizen ang katapatan ng isang 22-anyos na working student na nagbalik ng perang nakita niya sa isang automated teller machine (ATM) noong Nobyembre 22.

Jeanette Cortez Real / MANILA BULLETIN

Pagkatapos ng graveyard shift sa isang call center, nagtungo si Jeanette Cortez Real sa ATM station sa isang mall upang magwithdraw ng pera kasama ang kanyang kapatid. Nang ipapasok na niya ang kanyang card naglabas ng P7,915 at resibo ang machine.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day, kailan nga ba nagsimula?

“Sabi ko sa ate ko, check niya baka andyan pa yung nauna sa aming magwithdraw, pero wala na," ani Real sa Manila Bulletin.

Jeanette Cortez Real / MANILA BULLETIN

Nakipag-usap si Real sa guard at nag-iwan ng kayang contact details sakaling may kukuha ng pera.

Pumasok sa isip niyang iwanan ang pera sa guard ngunit minabuti niyang puntahan ang branch ng bangko sa Imus upang i-report ang insidente at ibalik ang pera. Sa kabila ng pagod sa trabaho, hindi na ito inalintana ni Real kung maibabalik naman ang pera sa account ng may-ari.

Jeanette Cortez Real / MANILA BULLETIN

“Base sa resibo na lumabas sa machine, P96 na lang ang balance ng may-ari at maaaring huling pera na niya ito," ani Real sa kanyang Facebook post.

Bilang isang estudyante ng food service and hospitality management sa umaga at call center agent sa gabi, hindi pumasok sa isip ni Real na kunin ang pera.

“Alam ko po kung gaano kahirap kumita ng pera. Tulad ko, working student po ako, ‘di ko pinupulot yung pera," aniya sa Manila Bulletin.

“For sure, yung may-ari ‘nun, madami ding pinagdaanan bago niya kitain yung pera na ‘yun. At ayokong gastusin yung perang pinaghirapan ng iba," dagdag pa niya.

Carlo Deña