Umaabot na lamang sa mahigit 21,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ito ay kahit nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 2,227 bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa nitong Linggo ng hapon, Nobyembre 21, na mas mataas kumpara sa 1,474 lamang na naitala nitong Sabado, Nobyembre 20.

Batay sa case bulletin #617, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na sa 2,826,410 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang kabuuang bilang, 0.7% na lamang o 21,101 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Sa mga active cases naman, 56.9% ang mild cases, 20.30% ang moderate cases, 13.0% ang severe cases, 5.5% ang critical cases at 4.4% ang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng sakit.

Mayroon din namang 3,152 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,758,235 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.6% ng total cases.

Mayroon pa rin namang 175 pasyente na namatay dulot ng COVID-19.

Sa kabuuan, nasa 47,074 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.67% ng total cases.

Mary Ann Santiago