Ibinasura ng hukuman sa La Union ang kaso ng anak ni dating Trade Secretary Roberto Ongpin na si Julian Ongpin kaugnay ng pag-iingat umano nito ng iligal na droga dahil sa kakulangan ng probable cause.
Sa ruling na inilabas ni San Fernando City, La Union Regional Trial Court (RTC) Branch 27 Judge Romeo Agacita nitong Lunes, Nobyembre 15, iniutos din nito sa Bureau of Immigration na bawiin na ang inilabas na hold departure order laban kay Ongpin.
Idinahilan ng hukuman, nilabag ng mga awtoridad ang chain custody rule sa kaso ni Ongpin.
Paliwanag ng korte, upang matiyak na makukulong si Ongpin sa umano'y pag-iingat nito ng ilang gramo ng cocaine, dapat na mapatunayang nakuha ito sa kanyang pag-iingat.
Nilinaw din ng hukuman na dapat na sumunod sa proseso ng kustodiya at disposition ng iligal na droga na hindi nagawa ng mga awtoridad. "Applying the above-mentioned parameters and existing jurisprudence, the evidence on record readily manifests blatant non-compliance with the chain of custody rule," pagdidiin pa ng korte.
Matatandaang kinasuhan si Ongpin noong Oktubre 21 nang mahulihan ng cocaine sa inuupahan nilang kuwarto sa isang resort sa La Union matapos matagpuan ang bangkay ng kasintahang visual artist na si Breana "Breee" Jonson na sinasabing nagpakamatay nitong Setyembre 18.
Sa pagkamatay ni Jonson, nagpasya ang pulisya na ituring na person of interest si Ongpin sa kaso.