Inapura ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang pag-apruba sa nakabinbing 2021 Annual Budget ng lalawigan na aabot sa₱4.1 bilyon, kahitapat lamang ang dumalong miyembro nito sa isang special session nitong Sabado, Nobyembre 13.
Ipinasa ng konseho ang 2021 revised provincial annual budget na₱4,157,830,020 sa pagpupursigi ni provincial board member Donaldo Suarez, anak ni Quezon Governor Danilo Suarez.
Unang binuo ng konseho, kasama si Vice-Governor Samuel Nantes ang kapulungan bilang committee-as-a-whole noong umaga ng Sabado at makatanghali ay isinagawa ang special session.
Bukod kay Suarez, dumalo rin ang tatlo nitong kaalyado sa Minority Bloc na sina provincial board member Alona Obispo, Yna Liwanag at Rhodora Tan.
Kaagad na nagdaos ng marathon committee hearing at special session matapos na ang walong Bokal na bumubuo ng Majority Bloc ay pinatawan ng 60-day suspension noong Nobyembre 11 ng Department of the Interior and Local Government (DILG) base sa kautusan ng Office of the President bilang tugon sa administrative case na abuse of authority, oppression at grave misconduct.
Ang ika-13 Bokal na si Reynan Arrogancia na kabilang din sa majority bloc, gayunman, hindi nakasama sa suspensyon ay hindi dumalo sa nasabing committee hearing at special session kung saan ipinasa rin ang provincial annual investment plan para sa 2022 na nagkakahalaga ng₱5,331,658,038.
Sinabi ni Bokal Isaias Ubana II, na tumatayong leader ng Majority bloc, wala sa kanila ang pagkukulang kung bakit hindi naipasa ang panukalang 2021 annual budget. Sinunod lamang umano nila ang mga proseso at alituntunin na itinakda ng batas hinggil sa pagtitiyak na magagastos ng tama ang salapi ng bayan.
Malinaw aniya na batay sa kanilang ginawang pag-aaral, mayroong mga probisyon sa Annual Proposed Budget na hindi tumutugma sa orihinal na Annual Investment Plan na nauna nang naaprubahan ng konseho.
Bella Gamotea