BAGUIO CITY – Ang mahigpit na border control ang isa sa dahilan ng pagbaba ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at naitala ang 2,480 na turista na hindi pinapasok sa Summer Capital ng Pilipinas nitong nakaraang Oktubre, dahil sa kalungan at pekeng dokumento.

“Mas mahigpit tayo ngayon, dahil muli tayong nagbukas sa ating mga turista para muli ay unti-unti makabawi sa ating ekonomiya. Bagama’t nakikita nating bumababa an gating kaso at malapit na nating ma-attain ang bakuna sa buong target population ay kailangan pangalagaan pa rin nating kapakanan ng ating residente laban sa virus, kaya dapat lang na maging maingat tayo, habang unti-unti nating binabangon ang ekonomiya para sa new normal. Gaya ng requirements sa ibang lugar ay fully vaccinated ang ating papasukin,” paliwanag ni Mayor Benjamin Magalong.

Bukod sa nasabing bilang ng turista, walong colorum vehicle ang nahuli na bumibiyahe ng walang kaukulang papeles.

Noong buwan ng Setyembre, umabot sa1,786 travelers na gustong pumasok sa siyudad ang pinabalik sa kani-kanilang lugar, dahil sa kawalan ng dokumento at pekeng RT-PCR (Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction test results.

Probinsya

₱200K, alok na pabuya sa makapagtuturo sa bumaril sa Koreano sa Pampanga

“We should never let our guards down and become complacent despite the welcome news of declining Covid-19 cases. Everyone must continue to observe minimum public health standards and have themselves vaccinated if they haven’t yet,” ayon kay Magalong.

Nitong nakaraang weekend sa pagpasok ng Nobyembre ay naitala ang kabuuang 8,274 turista na nagpalipas ng Undas sa lungsod sa loob ng apat na araw.

Noong Oktubre 29 ay 1,127 ang bumisita sa lungsod; 2,630 noong Oktubre 30; 2,420 noong Oktubre 31 at 2,097 noong Nobyembre 1.

Sa bisa ng Executive Order No.145-2021 na ipinalabas ni Magalong, ang siyudad ng Baguio ay nasa ilalim ng Alert Level 3 mula Nobyembre 1 hanggang 14,2021.

Sa nasabing kautusan ay mahigpit pa ring ipinatutupad ang minimum public health standards.

Panawagan naman ni City Police Director Glenn Lonogan sa mga travelers na papasok sa lungsod, siguraduhing kumpleto ang dokumento upang hindi na maabala sa border Quarantine Checkpoint.

Zaldy Comanda