Kinumpirma ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na natanggap na nila ang mga aplikasyon ng apat na tagagawa ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID19) upang maamyendahan ang emergency use authorizations (EUA) ng kanilang COVID-19 vaccines at maisama ang booster shot at third dose sa kanilang regimen.

Aniya, nais ng Pfizer, AstraZeneca, Sinovac, at Sputnik V na maisama ang ikatlong dose o booster dose sa kanilang regimen.

Kasama rin aniya sa ipinadala ng mga ito ang kanilang scientific data na siyang pinag-aaralan na ngayon ng ating mga eksperto.

Kabilang aniya sa pinag-aaralan nila ay ang bisa ng booster shots.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Ina-assess na rin naman aniya ng Department of Health (DOH) ang posibleng pagmi-mix and match ng mga bakuna.

“Sa ngayon po ang FDA, nakatanggap na po kami nitong bago mag-Undas ng applications for product variations o modification po, amendment ng EUA, galing po sa Pfizer, sa AstraZeneca, sa Sinovac at saka sa Sputnik,” ani Domingo, sa pre-recorded public address kay President Rodrigo Duterte.

“Nag-request po sila na ma-include ang third dose sa kanilang regimen o ang booster dose at pinadala po nila 'yung kanilang scientific data available at ito po 'yung inaaral ngayon ng ating mga experts,” ani Domingo.

Una nang sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bago makapagbigay ng third dose o booster shot ang pamahalaan ay kailangan munang maamiyendahan ang EUA ng mga bakuna.

Paglilinaw naman ni Domingo, hindi lahat ng tao ay kinakailangan ng COVID-19 booster shots o third dose.

“Ang nakikita rin naman natin na magiging trend ay hindi lahat kakailanganin ng third dose kung hindi talagang 'yun pong selected na mangangailangan, the elderly, the immunocompromised and healthcare workers,” paliwanag niya.

Hanggang sa kasalukuyan, inaabangan pa rin ng gobyerno ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) hinggil sa usapin.