Klasipikado na bilang low risk sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang lahat ng local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR), ayon sa OCTA Research Group nitong Lunes.
Sa datos na inilabas ng OCTA, sa lahat ng 17 LGUs sa NCR, ang Navotas City ang klasipikado na bilang 'very low risk' sa coronavirus habang ang iba pa ay pawang low risk na.
“NCR and all its 17 LGUs are now classified as low risk, using metrics based on covidactnow.org. Navotas in particular is classified as very low risk, given that all its indicators (including ADAR) are low,” pahayag ni OCTA Research fellow Dr. Guido David sa isang Twitter post.
Aniya, mula Oktubre 25 hanggang 31, ang average daily attack rate (ADAR) o ang bilang ng mga kaso kada 100,000 ay bumaba na sa 5.72 mula sa dating 6.36 noong Oktubre 19 hanggang 25.
Ang naitatalang mga bagong COVID-19 cases ay nasa average na 810 mula sa dating 901.
Kaugnay nito, ang reproduction number o ang bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng COVID-19 ay bahagyang tumaas sa 0.53 mula sa dating 0.49 noong Oktubre 25.
Ang one-week growth rate naman sa rehiyon ay nasa -14% mula sa dating -36%.
Mary Ann Santiago