Nais ng isang senador na ipagbawal na ang pagpapalit sa kandidatong nagdesisyong umatras sa pagtakbo sa halalan upang maiwasan umano ang kaguluhan at pambababoy sa sagradong halalan.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code, pinapayagan nito, ang pagpapalit ng opisyal na kandidato ng isang rehistrado o kinikilalang political party sakaling siya ay mamatay, ma-disqualify o umatras sa halalan.

Gayunman, ipinaliwanag ni Senator Sherwin Gatchalian, madalas na sinasamantala ang withdrawal o pagbawi ng certificate of candidacy (COC) para makapagpalit ng kandidato at ito’y paglapastangan sa pagiging seryoso sa proseso ng paghahain ng kandidatura.

Sa inihaing panukalang amyenda sa Omnibus Election Code, ipinanukala ni Gatchalian na maaring bawiin ng isang kandidato ang kanyang COC kung siya ay maging “incapacitated” o wala nang kakayahang tumakbo o manungkulan.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

“Sagrado ang balota. Kaya dapat lamang na pahalagahan natin ang paghahain ng kandidatura tuwing eleksyon. Isang pribilehiyo ang makapagsilbi sa bayan kaya dapat lamang na ang personalidad na unang napili ng partido ay buo na ang loob na tumakbo,” sabi ni Gatchalian.

Leonel Abasola