Dinapuan ng sakit na pneumonia ang komedyanteng si Allan Padua, o mas kilala sa showbiz bilang si Mura, batay sa kaniyang check-up sa doktor.

Ipinakita nila ang resulta ng pagsusuri ng doktor sa YouTube vlogger na si ni Virgelyncares 2.0, ang kaparehong vlogger na nagtampok sa kasalukuyang kalagayan ni Mura ngayon sa Bicol, at inabutan pa ng kaunting tulong-pinansyal. Idolo rin umano ng vlogger si Mura lalo na noong kasagsagan ng karera nito sa showbiz.

Allan Padua a.k.a. Mura (Screenshot mula sa YT/Virgelyncares 2.0)

Netizens nanggigil sa bortang katawan ni Sam Concepcion; tinawag na ‘daddy’

Sa nasabing vlog, nakipag-ugnayan si Mura kay Virgelyn para humingi sana ng tulong para sa kanyang pagpapa-check-up. Hindi pa umano siya kino-contact ng taong nangako ng tulong-medikal sa kanya.

Nang sumakabilang-buhay kasi ang kaniyang kaibigang si Mahal, natakot umano siya para sa kaniyang sarling kalusugan, kaya agad siyang nagpakonsulta sa doktor.

“Iyong baga ko nga kasi may pumupulupot na parang ulap, ganu’n. Papunta raw sa… pneumonia ba ’yon?” saad ni Mura. “Naalala ko kasi si Mahal wala na. So, sana maagapan."

Nahihirapan din umano siyang huminga.

“Nahihirapan nga, e. Parang may plema dito (dibdib). Ang gamot na iniinom ko ubos na, eh. Gusto kong ma-continue… kung ano’ng klaseng gamot para mabilis gumaling.”

Umamin naman si Mura na bagama't hindi siya umiinom, siya naman ay naninigarilyo kahit na may hika siya.

Nang lumabas ang resulta ng pangalawang medical check-up kay Mura, doon na nila napag-alaman na talagang may pneumonia nga s’ya at apektado ang itaas na kaliwang bahagi ng kaniyang baga. Maayos at normal naman umano ang kaniyang puso at iba pang vital organs.

Hindi na pinagbayad pa ng doktor si Mura sa check-up nito. Bago matapos ang vlog ay inabutan pa ni Virgelyn si Mura ng cash bilang karagdagang tulong sa kaniya. Sa ngayon ay wala pang balita kung kumusta na ba ang gamutan ni Mura.