Isang KTV bar sa Pasay City ang nabistong nag-ooperate kahit ipinagbabawal ito batay sa Inter-Agency Task Force (IATF) guidelines sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) Alert Level 4 sa Metro Manila.
Kinilala ni City Police chief, Col. Cesar Pasay-os ang mga suspek na sina Michael Relampago,29, floor manager; Elren Pusing, 32, waitress; Mark Anthony Cerbito, 27, waiter; Joel Caalim, 26, waiter; Jerry Quartero Jr. 28, waiter; at Arjay Glen Rebulas, 33.
Sa ulat ni Corporal Gene Harmon Ashby, may hawak ng kaso, sinalakay ng mga operatiba ng Station Intelligence Section ang GLX “Galaxy KTV Bar” na nasa sa Hobbies of Asia, Macapagal Boulevard, Pasay City, dakong 2:30 ng madaling araw ng Linggo, Oktubre 3.
Nauna rito,nakatanggap ng impormasyon ang awtoridad na nananatiling nag-ooperate ang naturang KTV bar sa kabila ng krisis na dulot ng pandemyang COVID-19.
Pinagmulta ang mga inaresto dahil sa paglabag sa ordinansa at sa Republic Act 11332 (Non-cooperation of the person or entities identified as having a noticeable disease or affected by the health event of emergency).
Bella Gamotea