Tiniyak ng Department of Health (DOH) na may sapat na suplay ng COVID-19 vaccines ang Pilipinas para sa inaasahang pagsisimula na ng pagbabakuna sa mga menor de edad sa National Capital Region (NCR) simula sa Oktubre 15.

Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, chairperson ng National Vaccine Center, isinasapinal na nila ang mga guidelines hinggil sa gagawing pagbabakuna sa mga bata, gayunman, sisimulan aniya nila ito sa mga kabataang mayroong comorbidities.

“Gagawin natin sa a few pilot hospitals dito sa NCR and then depende after one week, evaluation, tingnan natin kung ano pa kailangan natin i-refine sa ating mga procedures and then we go NCR-wide before we go nationwide,” ani Cabotaje sa isang television interview.

Muli rin namang sinabi ni Cabotaje na tanging Pfizer at Moderna vaccines lamang ang ituturok sa mga kabataan dahil ang mga naturang bakuna pa lamang ang mayroong emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration para sa mga menor de edad.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“We have enough Pfizer and Moderna. Since ang target natin sa umpisa ay children with comorbidities, we are looking at about 1 or 2 million muna, and in NCR a few hundred thousands, makasasapat naman," aniya pa.

Ani Cabotaje, umaasa rin siyang mas marami pang bakuna ang darating sa bansa sa huling bahagi ng taon, kabilang na aniya rito ang Pfizer vaccines na mula sa COVAX facility, gayundin ang mga bakunang binili nila.

“We are expecting more Pfizer both from COVAX facility and from pino-procure natin in the last quarter—October to November—and about 8 million doses of Moderna. We are expecting about 32 million doses of Moderna for the last quarter, sasapat,” pagtitiyak pa ni Cabotaje.

Mary Ann Santiago