Nagsasagawa na ang Philippine National Police (PNP) ng isang imbestigasyon ukol sa pinagkunan ng cocaine na nasamsam sa kwarto ng couple na sina Julian Ongpin at Bree Jonson sa La Union noong nakaraang linggo.

Kinasuhan si Ongpin matapos marekober ang 12.6 gramong cocaine kaya nais malaman ni PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar kung paano nito nakuha ang illegal na droga.

Non-bailable offense na ang pagkakaroon ng higit sampung gramo ng cocaine ngunit sa kaso ni Ongpin, hindi sakop ng warrantless arrest ang pag-aresto rito ayon sa La Union Provincial Prosecutor. Kalauna’y nakalabas agad ito para sa karagdagang imbestigasyon.

“Bukod sa patuloy na imbestigasyon ng PNP at ng NBI sa pagkamatay ni Bree Jonson, inaalam din ng inyong PNP kung paano at saan nakuha ang cocaine na nakumpiska sa kanilang inookupahang kuwarto sa La Union,” sabi ni Eleazar.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Nitong Biyernes, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hahawakan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsisiyasat sa drug case na inihain laban kay Ongpin.

“The state prosecutors of the DOJ will now take over the preliminary investigation of this case. The case has generated a lot of public interest, so I want to make sure that it is handled very well. The prosecutor general as head of my prosecution staff will designate the state prosecutors who will handle the preliminary investigation of the case,”sabi ni Guevara.

Parehong positibo sa paggamit ng cocaine si Ongpin at Jonson.

Aaron Recuenco