Magandang balita dahil ayon sa OCTA Research Group, nagpapatuloy ang pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila.
Paglilinaw ni OCTA Research fellow Guido David, bumaba pa at umaabot na lamang sa 1.03, mula sa dating 1.11, ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR), o ang bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyenteng infected ng virus.
Ang seven-day average aniya ng mga bagong kaso sa rehiyon mula Setyembre 15 hanggang 21 ay nasa 4,784, na may one week growth rate na -18%.
“The decrease in new cases in NCR continues. The 7-day average in new cases is 4,784 (from 9.15 to 9.21), with one-week growth rate of -18%,” tweet pa ni David.
“Therearestill some backlog in the reports, but the error margin accounts for this,” aniya pa. “Let's hope and pray this trend continues,” pagbibigay-diin nito.
Sa isang forum nitong Martes, sinabi ni David na ang Pilipinas ay posibleng nasa huling bahagi na ng laban nito, kontra sa Delta variant ng COVID-19, partikular na ang Metro Manila, kasunod na rin nang patuloy na pagbaba ng reproduction number sa rehiyon.
Sinabi ni David na ang mga kaso sa NCR at mga kalapit na rehiyon ay nagsimula nang bumaba, na indikasyong ang mga aktuwal na kaso ay nasa downtrend na rin.
Mary Ann Santiago