Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 18,012 bagong kaso ng COVID-19 nitong Martes.
Base sa case bulletin no. 542 ng DOH, dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umakyat na sa 2,121,308 ang naitatalang total COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Setyembre 7, 2021.
Sa naturang kabuuang kaso naman, 7.5% pa o 158,637 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman at maaari pang makahawa, kabilang dito ang 92.0% na mild, 3.4% na asymptomatic, 2.49% na moderate, 1.4% na severe at 0.7% na critical.
Mayroon rin namang 18,945 bagong pasyente ang gumaling na sa karamdaman, sanhi upang umabot na sa 1,928,173 ang total COVID-19 recoveries sa bansa, o 90.9% ng total cases.
Samantala, mayroon pang 161 pasyente ang namatay dahil sa karamdaman.
Sa ngayon, umaabot na sa 34,498 ang COVID-19 death toll sa bansa o 1.63% ng total cases.
Ayon sa DOH, mayroon pa ring 35 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 28 recoveries.
Mayroon ring 105 kaso ang unang tinukoy bilang recoveries ngunit kalaunan ay natuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.
Mary Ann Santiago