Patuloy na umakyat ang reproduction number ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa ngayong nasa 1.55 na ito mula noong Lunes, Agosto 16, ayon sa OCTA Research.

“As of yesterday, nasa 1.55 na yung reproduction number sa buong bansa (the country’s reproduction number is 1.55). Ibig sabihin bumibilis yung hawaan sa buong bansa,” ayon kay Dr. Guido David sa isang virtual public briefing.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Tumutukoy ang reproduction number sa average number ng secondary infections ng bawat COVID-19 patient, ito rin ang primaryang tumutukoy sa COVID-19 trends ng bansa.

Kung ikukumpara noong Marso 2021, paliwanag ni David, mas mabagal ang naging pagsipa ng kaso ngayon.

“That’s why yung iba parang hindi nila masyado nakita yung pagtaas ng bilang ng kaso pero biglang nag-accelerate. Biglang bumilis yung pagdami ng bilang ng kaso,” sabi ni David.

“Ang ibig sabihin nun kasi nagkaroon ng replacement. Napapalitan yung virus ng mas bagong variant. Unti-unting dumadami yung variant na nagci-circulate,” dagdag nito.

Ayon sa isang pag-aaral mula US Centers for Disease Control and Prevention o CDC, lumabas na mas nakahahawa ang Delta variant kumpara sa SARS, Ebola, common cold, flu at smallpox; mas mabilis din ang pagkalat ng naturang variant kagaya sa chickenpox.

Pinunto ni David na mas mataas ang panganib sa mga hindi pa rin bakunadong Pilipino habang mababa ang posibilidad ng severe COVID-19 sa mga bakunado na.

“Yung mga unvaccinated tumataas yung ICU rates nila. Ibig sabihin mas maraming naa-ICU sa mga unvaccinated kaysa noong nakaraan,” sabi ni David.

Sa ulat ng Department of Health (DOH), binanggit ni David na tumataas ang kaso ng COVID-19 mula edad 17 taong gulang pababa.

“Noong July 1, 7 percent sa Metro Manila ay mga 17 and below. Pero as of latest data umabot na siya ng mga 11 to 12 percent ng cases ay mga bata. Ibig sabihin mas maraming mga bata ang nahahawaan,” sabi ni David.

Hinikayat ni David ang publiko na seryosohin ang pagsunod sa minimum health standard para mapigilan ang pagkalat ng Delta variant sa bansa.

Ellalyn De Vera-Ruiz