Sa kabila ng paglilinaw ng Commission on Audit (COA) na “premature” pa para ituring na “deficiencies” nga ang P67 bilyong pondo na nakalaan para sa COVID-19 response ng Department of Health (DOH), iginiit ni Vice President Leni Robredo na “poor governance” ang dahilan ng anomalya.
Sa isang radio show nitong Linggo, Agosto 15, nakababahala umano na hinayaan ng ahensya sa masira at hindi magamit ang bilyong pondo na maari sanang nailaan sa mga maintenance medicine at dialysis sessions.
“Ang point ko at a time na grabe iyong pangangailangan, bakit ganito?” tanong ni Robredo.
“Madali lang sabihin na papel lang pero ano ang epekto ng poor governance?Matter of life and death ito sa atin,” dagdag niya.
Para kay Robredo, isa pa ring “governance issue” ang naging ulat ng COA sa kabila ng paglilinaw nito.
“Kasi bakit ba tayo merong regulasyon? Kaya tayo may regulasyon para maiwasan ang korapsyon. Kunghindi tayo susunod sa COA regulations, kahit hindi pa nawawala ang pera, ang daming questions kung bakit hindi tayo sumunod at nakaka-erode iyon ng tiwala ng tao,” sabi ni Robredo.
“Nasa middle tayo ng pandemic. Napakahalaga na maayos iyong governance kasi kapag hindi talaga maayos iyong governance, buhay ng tao iyong nakataya,” dagdag ng Bise-Presidente.
Matatandaan na naglabas ng ulat ang COA sa umano’y deficiencies ng DOH ukol sa P67 billion COVID-19 funds.
Tinawag rin ng atensyon ni Robredo ang bilyong-halagang pondo na sana'y nailaan na lang sa mga dialysis sessions para sa 4,500 beneficiaries o nasa 6.5 million dialysis sessions.
“Di ba grabe iyong disconnect kasi madaming mamatay dahil hindi kayang uminom ng gamot tapos gumagastos iyong pamahalaan nang napakamahal para sa mga gamot na na mag-e-expire lang. Sobrang saying,” panghihinayang ni Robredo.
Maliban sa DOH, pinag-initan din ni Robredo ang mga ahensyang nasangkot sa ulat ng COA kabilang na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Social Welfare and Development (DSWD)/
Samantala, suportado naman ni Robredo ang imbestigasyong ilulunsad ng Senado ukol sa isyu.
Ani pa ngBise-Presidente, hindi raw makatarungan na hindi ginasta nang maayos ang pondo sa gitna pa ng krisis.
Raymund Antonio