Sa pagtatapos ng taong pang-akademiko 2020-2021, nag-viral sa Facebook ang isang nakakakilig na istorya na kung saan napukaw ang puso ng mga netizens. Sa Facebook post ni Sincer Mae Balili mula sa Bukidnon, ikinuwento niya ang love story nilang magkasintahan na si Edilberto "Bert" Tanghap Andil.

Larawan: Sincer Mae Balili/FB

Sa kaniyang post, ibinahagi ni Sincer ang walang sawang suporta ni Bert, konduktor mula sa Rural Transit Mindanao Inc. Ayon kay Sincer, malaki ang tulong ng Rural Transit at ng kaniyang partner para maipagpatuloy ang pag-aaral nito sa kolehiyo.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Noong Agosto 5, aniya, akala niya na makakasama niya ang kaniyang kasintahan sa graduation niya ngunit hindi nakasama si Bert dahil may trabaho ito.

Subalit, gumawa ng paraan ang katrabaho ni Bert na isang driver ng bus upang magkasama ang dalawa sa graduation day ni Sincer. Inihinto ng driver ang sinasakyan nilang bus para makakuha ng larawan sila Sincer at Bert habang suot pa ni Sincer ang toga nito.

Ani Sincer, "Proud kaayo ko sa iyang full support saakung pag skwela. Mao nga bhalag dili siya makaapil naay way japon ug salamat kaayo kay timing kaayo ang urasan nila. (Sobrang proud ako sa kaniya dahil sa lubos na suporta sa pag-aaral ko. Kahit hindi man siya nakasama salamat padin dahil tugma padin yung oras namin.)"

Nagpasalamat din si Sincer sa rural bus sa naitulong nito sa kaniyang pag-aaral. Kuwento niya, inililibre na lamang nito ang kaniyang pamasahe kaya ay naitatabi na lamang niya ito upang ipambayad sa mga gastusin sa eskwelahan.

Kuwento ni Sincer, dalawang taon na silang magkasintahan ni Bert. Third year college siya nang makilala niya ang kaniyang kasintahan at noong mga panahong iyon, pumasok na sa kaniyang isipan na sukuan ang pag-aaral subalit tinulungan siya ni Bert.

"Mula noon siya na gumapang sa pag-aaral ko alam kung maliit lang sahod niya pero tulong-tulong kaming dalawa," aniya.

Ngayon, nakatapos na ng kolehiyo si Sincer sa kursong Bachelor of Science in Business Administration major in Marketing Management.

Larawan: Sincer Mae Balili/FB

Samantala, nakatanggap ng full scholarship si Bert mula sa Ip Tribal School. Siya ay papasok ngayong taon bilang grade 11 na kukuha ng Humanities and Social Sciences o HUMSS.

Mensahe ni Sincer kay Bert, "Kung unsa akung success your part of it yam ko. (Kung ano man yung narating ko ngayon, parte ka nun Yam ko.)"