Nagpahayag ng paggalang ang Liberal Party sa naging pahayag ni Naga City Mayor Leni Robredo kaugnay ng kaniyang plano para sa halalan sa 2028.
KAUGNAY NA BALITA: Final na! Leni Robredo, ‘di tatakbo sa national position sa 2028
Sa inilabas na pahayag nitong Miyerkules, Abril 22, 2026, sinabi ng grupo na bagama’t iginagalang nila ang desisyon ng dating Bise Presidente, iginiit nilang ikinalulungko daw nila ito.
“Bagamat nagdadala ito sa amin ng labis na kalungkutan, nirerespeto namin ang pinakahuling pahayag ni Mayor Leni Robredo kaugnay ng parating na halalan sa 2028,” anang Liberal Party.
Gayunpaman, umaasa ang mga tagasuporta na muling isasaalang-alang ni Robredo ang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa hinaharap.
Anila, “Taimtim naming ipinapanalangin na dumating ang araw na pakikinggan niya ang panawagan ng dumarami nating kababayan.”
Binigyang-diin din sa pahayag ang pangangailangan umano ng bansa sa lideratong may integridad, lalo na sa gitna ng iba’t ibang isyu sa loob at labas ng bansa.
Ayon sa grupo, “Ngayon, higit kailanman, kailangan ng lideratong maglilingkod sa mamamayan, imbes na maghahari-harian at maglulustay ng kaban ng ating bayan.”
Ipinunto rin nila ang lumalakas na suporta kay Robredo mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang kabataan at ilang institusyon.
Naniniwala ang grupo na may kakayahan umano siyang bumuo ng isang malawak na koalisyon kung sakaling magpasya itong tumakbo.
Sa huli, nanawagan ang grupo sa publiko na ipagpatuloy ang pagsusulong ng pagbabago at panagutin ang mga sangkot sa umano’y mga paglabag.
“Malayo pa ang 2028. Marami pa ang puwedeng mangyari. Tuloy ang ating laban,” saad pa sa pahayag.