Magpapatupad ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ng shortened operations sa panahon nang pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, habang mananatiling normal ang biyahe ng LRT Line 1 (LRT-1) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Sa ipinalabas na paabiso ng Light Rail Transit Authority (LRTA), na siyang nangangasiwa sa LRT-2, nabatid na ang pagpapatupad ng pinaikling operasyon ay ipatutupad sa buong panahon ng pag-iral ng ECQ sa Metro Manila, mula Agosto 6 hanggang 20, dahil na rin sa inaasahang pagpapatupad rin ng curfew hours na mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Nabatid na ang unang biyahe ng LRT-2 sa magkabilang direksyon o mula sa Santolan patungong Recto at mula Recto patungong Santolan, gayundin mula sa Antipolo hanggang Santolan at Santolan hanggang Antipolo, ay magsisimula ganap na alas-5:00 ng madaling araw habang ang last trip naman ay alas-6:20 lamang ng gabi.

Samantala, sa anunsiyo naman ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siya namang nangangasiwa sa LRT-1, nabatid na walang magaganap na pagbabago sa iskedyul ng biyahe ng kanilang mga tren.

Guanzon, overtime sa speech sa COC filing; Comelec humingi ng paumanhin

“During the implementation of ECQ in NCR fromAugust 6-20,there will be NO CHANGES in the #LRT1 schedule,” anito. “LRT1 will continue to serve & support those who need to go out for essential reasons.”

Anang LRT-1, ang unang tren nila mula sa Baclaran at Balintawak ay bibiyahe ng alas-4:30 ng madaling araw, habang ang huling tren naman mula sa Baclaran ay aalis ng alas-9:15 ng gabi habang ang last trip tren naman mula sa Balintawak ay bibiyahe ng alas-9:30 ng gabi.

Mahigpit rin ang paalala ng LRMC sa mga pasahero na bumiyahe lamang kung may mahalagang kadahilanan.

Anito, ang lahat ng pasahero ay isasailalim sa screening upang matukoy ang dahilan ng kanilang biyahe at kung sila ba ay Authorized Persons Outside Residence (APOR) alinsunod na rin sa listahang inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Dapat rin anilang nakasuot ng face mask at face shield ang mga pasahero sa lahat ng pagkakataon.

Pinaalalahanan rin ng LRMC ang mga pasahero na bawal ang pag-uusap at pagkain sa loob ng tren, at mas makabubuti kung gagamit ng stored value card para sa contactless travel.

Payo pa ng LRMC, mag-download ng ikotMNL mobile app para sa contact tracing at journey planning.

Samantala, ayon naman sa pamunuan ng MRT-3, mananatili rin ang normal operating hours ng biyahe ng mga tren ng MRT-3.

Nabatid na ang unang biyahe ng tren mula sa North Avenue station ay aalis ganap na alas-4:37 ng madaling araw habang alas-5:17 ng madaling araw naman mula sa Taft Avenue station.

Ang huling tren naman ay aalis ng North Avenue station ng alas-9:30 ng gabi at alas-10:10 ng gabi naman mula sa Taft Avenue station.

Dagdag pa ng MRT-3, mananatili sa 30% ang passenger capacity ng mga tren, na may katumbas na 124 na pasahero kada train car o 372 na pasahero kada train set.

Mas mahigpit rin umano nilang ipatutupad ang "7 Commandments of Public Transport" kontra COVID-19, na batay sa rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa pampublikong transportasyon.

Kabilang dito ang1) Laging magsuot ng face mask at face shield; 2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono; 3) Bawal kumain; 4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga pampublikong transportasyon; 5) Laging magsagawa ng disinfection; 6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19; at 7) Laging sundin ang panuntunan sa appropriate physical distancing.

Tanging APORs lamang din anila ang pinapayagang makasakay sa MRT-3.

Tiniyak rin nitong tuluy-tuloy ang pagbibigay nila ng libreng sakay sa mga bakunadong APOR, na mayroong una o pangalawang dose, sa panahon ng ECQ, alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.

Anang MRT-3, kinakailangan lamang ng mga ito na magpakita ng kanilang vaccination cards at ID, katulad ng company ID,sa security personnel sa istasyon upang makapag-avail ng libreng sakay.

Bukod sa MRT-3, nagkakaloob rin ng libreng pamasahe para sa mga vaccinated APORs sa ECQ period ang LRT-2 at ang Philippine National Railways (PNR).

Mary Ann Santiago