Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na ang 18 mula sa 47 kaso ng mas nakahahawang Delta variant ay hindi pa bakunado laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mayroon din namang dalawa sa mga Delta variant cases na fully vaccinated na, apat ang nakatanggap na ng isang dose ng COVID-19 vaccine, habang for verification pa ang vaccination status ng natitira pang 23 kaso.

Sa 47 na kaso, aabot na sa 36 ang nakarekober, tatlo ang nasawi habang walo naman ang nananatiling aktibong kaso, gayunman, asymptomatic naman o walang anumang nararamdamang sintomas ng sakit.

Hindi naman tinukoy ng DOH kung ang mga namatay, nakarekober at aktibong kaso, ay bakunado na laban sa COVID-19.

National

De Lima, sinagot pahayag ni Go na pinapalakpakan noon drug war: ‘Noon, maraming takot!’

Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Vergeire na ang 24 na nahawaan ng Delta variant ay pawang returning overseas Filipinos (ROFs), 22 ang local infections, habang biniberipika pa kung ang isang kaso ay local o ROF.

Pito naman umano sa mga pasyente ang taga-Metro Manila, kabilang dito ang apat taga-Manila City, dalawa mula sa Pasig at isa naman sa Taguig.

Ang Central Luzon at Northern Mindanao naman ay nakapagtala ng tig-anim na kaso, habang tig-dalawang kaso ang naitala ng Calabarzon at Western Visayas.

Mary Ann Santiago