Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 5,828 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Huwebes ng hapon.
Batay sa case bulletin no. 495 na inilabas ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umaabot na ngayon sa 1,530,266 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Gayunman, sa naturang bilang, 3.3% o 50,562 na lamang ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Sa active cases, 92.7% na mild, 2.5% ang severe, 1.74% ang moderate cases, 1.6% ang asymptomatic at 1.5% ang kritikal.
Samantala, mayroon rin namang 3,257 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling na sa karamdaman sanhi upang umakyat na ngayon sa 1,452,813 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 94.9% ng total cases.
Mayroon din namang 17 pang pasyente namatay dahil sa komplikasyon na dulot ng virus.
Dahil dito, umaabot na ngayon sa 26,891 ang total COVID-19 death toll sa Pilipinas o 1.76% ng total cases.
Mary Ann Santiago