July 16, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

#BALITAnaw: Bakit kontrobersyal ang terminong 'Romanov?'

#BALITAnaw: Bakit kontrobersyal ang terminong 'Romanov?'
Photo courtesy: Contributed photo


Naging matunog ang usapin ukol sa mga “Romanov” habang ikinakasa sa Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Umugong kasi ang katagang “Operation Romanov,” na isa umanong balak na pagpaslang kay VP Sara at sa kaniyang pamilya.

Pero buwelta ni National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jeremy Lotoc noong Martes, Hulyo 14, ang umano’y Romanov plot ay direkta kontra sa pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.—at hindi sa Pangalawang Pangulo at pamilya nito.

Matatandaang noon ding araw na iyon, nahagip ni Senator-judge Robin Padilla sa kaniyang mga pahayag ang aniya’y pagbagsak ng Romanov dynasty ng Russia, at ang koneksyon o pagkakahalintulad nito sa mga pamilya sa politika ng Pilipinas gaya na lamang ng mga Marcos at Duterte.

Aniya, mga komunista raw ang pumatay sa pamilya Romanov—sabay diing siya raw mismo ay isang komunista.

BALITAnaw

#BALITAnaw: Bakit nanalo ang Pilipinas sa 2016 Arbitral Ruling sa WPS kontra China?

“Komunista po ako ha,” diin ng senator-judge.

Pero sino nga ba talaga ang Romanov dynasty ng Russia?

Batay sa tala ng Encyclopedia Britannica, ang mga Romanov ay tanyag na Russian rulers noong taong 1613 hanggang maganap ang Russian Revolution noong Pebrero 1917—aabot sa higit 300 taon.

Nakabuo ng isang pattern of succession ang nabanggit na pamilya sa gitna ng kanilang pamumuno.

Sa unang siglo ng kanilang Russian ruling, sinusunod nila ang isang alituntunin sa pagpapasa ng trono sa pamamagitan ng pinakamatandang anak na lalaki ng tsar.

Kung wala namang anak na lalaki, ibibigay ang trono sa pinakamalapit na matandang lalaki na kamag-anak ng magpapasa ng posisyon.

Pero kahit gaano pa katagal ang tinakbo ng kanilang monarkiya, na ayon sa mga tala ay hindi natibag sa loob ng tatlong siglo, ay tuluyang bumagsak noong taong 1917.

Matapos ang pagbagsak ng kanilang dinastiya, ang mga miyembro ng nabanggit na pamilya ay tahasang pinaslang ng mga rebolusyonaryo.

Nang sila ay mapaslang ng Bolsheviks, sa pangunguna ni Vladimir Lenin, isinilang ang Soviet rule—na naging dahilan upang kilalanin ang Russia bilang unang communist state sa mundo.

Batay pa sa mga tala, ang mga Romanov ang huling royal at imperial dynasty na namuno sa bansang Russia.

Gayong mayroon pa ring mga Romanov sa Russia, wala na sa mga ito ang humahawak pa ng anumang kapangyarihan sa nasabing bansa.