July 19, 2026

Home BALITA

NBI, may mga ipapa-subpoenang opisyal hinggil sa 2019 SEA Games!

NBI, may mga ipapa-subpoenang opisyal hinggil sa 2019 SEA Games!
Photo courtesy: MB file photo

Maglalabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa ilang opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) bilang bahagi ng imbestigasyon kaugnay sa umano'y mga iregularidad sa pagdaraos ng 2019 Southeast Asian Games.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakuha na ng ahensya ang General Information Sheets (GIS) ng PHISGOC mula 2019 hanggang 2026, kabilang ang mga financial statement at audited financial statement ng organisasyon na gagamiting batayan sa isinasagawang imbestigasyon.

“Nakita ko po, nakarating na sa akin yung GIS nila noong 2019… hanggang 2026,” aniya.

Batay sa mga dokumentong mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), nakatala si Ramon Suzara bilang chairman at president ng PHISGOC, si Dexter Estacio bilang chief financial officer, at si John Lester Binsuceso bilang corporate secretary.

Sinabi ni Matibag na ipapatawag ng NBI ang mga nabanggit na opisyal, kasama ang iba pang mga direktor ng organisasyon, upang magbigay ng paliwanag at magsumite ng mga kinakailangang dokumento.

Politics

Giit ni SP Gatchalian: 'Sineseryoso ko ang trabaho!'

“Sa Lunes po, mag-i-issue tayo ng subpoena… maimbitahan si Ramon Suzara, si Dexter Estacio, John Lester Binsuceso at iba pang director. Testificandum and duces tecum po ito.”

Kasabay nito, sinusuri rin ng mga imbestigador ang mga dokumentong may kaugnayan sa mahigit P650 milyong ginastos umano sa rental at higit ₱300 milyong consultancy fees na nakasaad sa mga financial records ng PHISGOC.

“Hawak ko na rin dito yung mga financial statements na may rental na nagastos, ₱650 million, ₱ 300 million plus na consultancy. Tsaka nakuha ko na rin po yung audited financial statement ng kampanya na ito,” ani Matibag.

Nang tanungin hinggil sa posibleng pagkakasangkot ni Sen. Alan Peter Cayetano sa organisasyon, sinabi ng NBI chief na hindi lumitaw ang pangalan ng senador sa mga rekord na kanilang nakuha mula sa SEC.

Saad pa niya, “Based on the record po ng SEC, yung hawak nating papel ngayon, hindi po naman lumalabas yung kanyang pangalan.”

“Wala po,” dagdag pa niya.

Gayunman, sinabi ni Matibag na isa sa mga layunin ng pagpapatawag sa mga opisyal ng PHISGOC ay upang linawin kung ano ang naging papel ni Cayetano sa organisasyon sa kabila ng kawalan ng kanyang pangalan sa mga opisyal na dokumento ng korporasyon.