Itinalaga ng Manila City government na eksklusibo para sa mga matatanda o senior citizens na hindi pa natuturukan ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang 12 vaccination sites sa lungsod.

Kasunod ito nang pagpapaigting ng lokal na pamahalaan sa kanilang vaccination program upang maproteksyunan ang mga Manilenyo, partikular na ang mga matatanda, laban sa COVID-19.

Kaugnay nito, nanawagan din si Mayor Isko Moreno sa mga nakababatang miyembro ng pamilya na may kaanak na seniors na hindi pa nababakunahan, na tulungan ang mga ito na makapagrehistro sa online system at pagkatapos ay samahan ito sa mga itinakdang vaccination sites para sa kanila, kapag may available ng bakuna.

Binanggit ng alkalde sa kanyang live broadcast at social media account ang itinakdang sites para sa mga senior na binubuo ng tig-dalawang public school sa bawat isa sa anim na distrito ng lungsod.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Kabilang sa mga paaralang ito ang Emilio Jacinto Elementary School (ES) at Vicente Lim ES sa District 1; Francisco Benitez ES at Plaridel ES sa District 2; Andres Bonifacio ES at Juan Sumulong ES sa District 3; Moises Salvador ES at Ramon Magsaysay ES sa District 4; Justo Lucban ES at Rafael Palma ES sa Distrct 5; Sta. Ana ES at Jacinto Zamora ES sa District 6.

Umapela rin si Moreno sa mga hindi seniors na huwag nang magtangkang pumunta at pumila sa mga naturang vaccination sites, dahil alam aniya ng sistema kung sino ang kabilang sa A2 category o senior citizens.

Pinayuhan na lamang sila ng alkalde na magpunta na lamang sa iba pang vaccination sites na tumatanggap ng hindi seniors.